Thursday, August 11, 2011

Ulan

Sanay na ako sa ulan.

Maliit ka pa lamang
ay sa mukha ko na dumadaloy,
Tubig na gamit ng iyong ina
habang marahan na hinahaplos
Ang maselan mong balat.

Hindi niya hahayaang
Sa sinapupunan ko
Ika’y bumagsak.

Naalala mo ba noong ika’y sampu?
Nagtampisaw kang may galak
At patalun-talon,

Naku!

Sakit ang naidulot
Ng iyong pagkakaumpog.
Bagyo ang umagos
Sa mata mong agad namang
Patatahanin ni ina.

Ngayo’y tayo na lamang ang narito
Sa tuwina’y takbuhan ako
Ng mga patagong sikreto

Tanggap ko lahat ng ulan
Mula sa gripo at sa mga mata mo,

Ito ang kapalaran
Ng sahig sa banyo.


Krizelle R. Talladen
Pebrero 27, 2011

No comments:

Post a Comment